Kasama ang ating Community at Tourism Development Consultants, Tourism Officer at ilang mga kawani ng aking tanggapan ay nagsagawa po ang inyong lingkod ng imbentaryo ng mga posibleng tourist destination sa ating bayan. Kasama po sa aking development agenda ang pagpapayabong ng ECO-AGRI Tourism sa ating bayan, sa tulong ng DENR Regional Office at Tourism Infrastructure Economic Zone Authority o TIEZA ay isinulong po natin ang aking programa. Humiling din po tayo sa nasabing ahensya ng sapat na pondo upang masimulan ito.
Pinya, madalas nating nasasambit bilang pangunahing produkto ng Calauan. Ayon sa ating Municipal Agriculturist, ‘sandaan siyamnapu’t isa at limampo’t apat (191.54) na ektaryang lupaing sakahan ng pinya at ‘sandaan limampo’t dalawa (152) na magsasaka ang bumubuo sa industriya ng pagsasaka ng pinya sa ating bayan. Humigit-kumulang na labingwalong (18) ektarya at labingwalong (18) magsasaka mula sa Brgy. Mabacan ang kaanib sa Samahan ng Manghihiblang Calaueño (SaMaCa). Sa tulong ng inyong lingkod ay naparehistro sa DOLE at kinilala ng DOST-Regional Office at DOST-Philippine Textile Reseach Institue na makakatanggap ng dalawang Decorticating Machine ang samahan upang maging karagdagang pagkakakitaan ang paghihibla ng mga fibers nito. Sisimulan na ito sa ika-28 ng Oktubre taong 2022. Kung dati ay sa bunga lang ng pinya kayo kumikita, ngayon pati dahon ay pagkakakitaan na.