Mula sinapupunan hanggang libingan “from womb to tomb” ang ating mga programa. Muli nating inihain ang akreditasyon ng paanakang bayan sa DOH, upang muling makapagbigay ng serbisyo sa ating mga mamamayan. Mula sa accredited birthing home, hanggang maging infirmary. Tulad ng aking pangako sa aking panunungkulan ay magkakaroon ang Calauan ng isang Primary Hospital. Magsisimula na rin po ang pagbubukas ng libreng pre-employment laboratory sa acting Rural Health Unit. Ang lahat ng mga job seekers na nangangailangan ng mga laboratory test ay libre nang makakapag pa x-ray, urinalysis, fecalysis, at cbc. Tayo po ay nakipagkasundo sa JL Dialmed Trading Co. noong ika-12 ng Setyembre 2022 upang itayo ang 15 unit Dialysis Center sa ating bayan para sa kabutihan ng mga mamamayan. Ngayon, matapos ang pangangalaga sa inyong kalusugan, hindi natin maiiwasan, ang lahat ng tao ay darating sa huling hantungan, dapat tayo ay handa. Kung sino man po ang may kagustuhan, meron po tayong 50 ataol na nakahanda, nagamit na po ang 30, paunahan po, may maaari pa tayong gamitin na 20 piraso. Sino po ang may gusto?
Sa tulong ng aking ginagalang na Sangguniang Bayan sa Pangununa ni Pangalawang Punong Bayan Allan Jun “Dong” Sanchez at ng Konseho ay inakda nila ang SB Resolusyon 11-022-2022 na naglalayong itayo ang kauna-unahang Dialysis Center sa ating bayan na mayroong 15 unit upang matulungan ang mga mamamayan. Matapos ang kanilang pagbibigay ng karapatan sa inyong lingkod, noong ika-12 ng Setyembre 2022 ay ganap kong nilagdaan ang kasunduaan sa pagitan ng tanggapan ng inyong lingkod at JL DIALMED TRADING CO. Sa aming kasunduan nagkakahalaga po ng P2,600.00 ang bawat treatment nito at sa tulong ng PhilHealth, Circular 2022-0017 ay maari nang makapagpa-hemodialysis ang isang pasyente ng hindi hihigit sa 114 sessions kada taon. Papaano pa kaya kung ang pamahalaang bayan ay magbibigay pa ng ayuda?